Baba Pasahe
Nung mga nakaraang linggo ay nakakatuwa ang balitang pababa ng pababa ang presyo ng langis. Maaalala na dahil sa sobrang pagtaas ng presyo nito kamakailan ay naramdaman talaga natin ang epekto nito – kasama na dyan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ng pamasahe.
Ngayong bumaba na ang presyo ng langis, lahat siguro tayo ay nag-aasam na bumaba na rin ang presyo ng pamasahe. Ako, gusto ko talaga. Pero sunod kong sasabihin ay “Nako, parang imposible. Kung ibaba man yan, eh baka 50 cents lang.”
Ewan ko kung nagdilang anghel ba ako o demonyo dahil mula 8.50 ay 8 pesos na lang ang minimum fare sa jeep. Alam kong may mga natuwa, at siguro, mas marami ang medyo disappointed pa. Kung iisipin, mataas pa rin ang 8 pesos. Para sa mga bus daw, ay mula 12 pesos, ibabalik ito sa 11 pesos.
Asahan na natin ang ilang jeepney drivers na manlilito ng mga pasahero kung ano ba talaga ang tamang pamasahe lalo na kung ang pasahero ay bababa sa malayong lugar. Ganyan ang nararanasan ko kapag sumasakay ako ng pa-Cavite mula sa Baclaran o sa MIA road. Iba-iba ang presyo ng pamasahe.
Pero kahit papaano ay ipinagpapasalamat ko na din ang pagbaba ng pamasahe. Siyempre, blessings pa rin yun. Sana ay isunod na ang pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Alam ko marami tayong masaya dahil halos pumapalo uli sa 50 pesos ang halaga ng isang dolyar. Pero dapat din tayong mabahala na senyales yun na humihina uli ang ating ekonomiya.
Okay na sana eh kaya lang ang dami-dami nating napapanood ngayon sa telebisyon tungkol sa mga tiwaling opisyal. Nagpapakasarap sila sa pera ng taong bayan. Pera ng taong bayan ang kinukurakot nila. Taong bayan pa rin ang naghihirap dahil sa mga anumalyang ginagawa ng mga tiwaling opisyal. Sayang ang binabayad na tax kung ganun ang gagawin nila. Maawa naman sila.

naalala ko ang pamasahe mula dito sa bahay namin papuntang alabang eh 18 pesos lang. ng tumaas ang presyo ng langis aba naging 25 na! parang unfair naman yata kung ibababa lang nila ng 24.50 di ba? hmmm…
hehehe!
Malayo na rin ang mararating ng 50 cents per ride na savings